Sa mga GM o group message ko lang nailalabas kung ano ang tunay kong nararamdaman. Ito ang nagsilbing FRIENDSTER shoutout at FACEBOOK status update ko. Sa mga panahong masaya, in-love, malungkot, problemado o inspired ako, isang type ko lang at click sa caller group ko alam na nila kung anong nangyayari saken.
Tandang-tanda ko pa nung bago pa lang nauuso ang unlimited texting. 15 pesos lang per day, I can text na all the way. I was in 5th grade then. Nauso pa nun ang mga "CLAN" o grupo ng mga taong mahihilig magtext at naghahanap ng textmates. Andyan yung magpapa-uso ka ng code name tapos sa dulo ng bawat GM mo kasunod nun ang signature codename mo sabay number. Haha, naalala ko tuloy. "Dark Angel" pa gamit kong codename nun. Tapos pag nagkayayaan mag-EB, syempre di ako sumasama. Ang korni kasi eh. Nase-sense ko na kasi nung mga panahong yun ang mga itsura nila. Tsaka ang bata-bata ko pa, I know my limits. :p
Na-adik na ko katetext, di na ko natutulog kasi noon sa clan, maraming mga BAMPIRA. Mas gising pag gabi hanggang madaling-araw. Imagine that time, 5110 at 3310 pa cellphone ko nun tapos dalawa pa sim ko. Isang Globe at isang Smart. Ang adik di ba? Pero nung elementary lang yun. Sinawaan din ako pagdating ng highschool.
Nung highschool days naman, tinigilan ko na ang pagsali sa mga clan. No use naman saken eh. Na-realize ko din na nasasayang lang yung load ko kakatext tapos nakakawalang-gana pa yung mga messages sayo na "hi," hello," "what gawa u?" "musta na u?" "e0w pfoe." Hayy. parang question and answer portion lang. Plus, nawala pa nun yung cellphone ko na pinag-ipunan ko pa at isang buwan lang ang tinagal saken.
PERO, di pa rin nawala sa lifestyle ko ang pagtetext. Lumalawak na kasi ang mundo ko at nagsilbing necessity na saken ang cell phone. Nagkaroon ulit ako ng cellphone. This time around, to communicate with my friends, classmates and school mates. Sa mga GM namin nalalaman kung "What's IN and What's NEW" sa paligid namin. Yung mga homeworks, schedule ng exam, projects, at kung anu-anu pa, sa texts namin pinapadaan.
Panay parin ang GM ko pero ngayon, hindi na sa mga jologs na clan. Naalala ko nga may group pa ko for my teachers, churchmates, friends, and classmates ko. Panay padala ko nun ng mga Godly messages at quotes. BANAL nga tawag sakin ng mga classmates ko eh. Imagine, nagkaroon pa ko ng prayer buddy dahil dun. Yung adviser ko nung 2nd year. Halos 3x a day ako nagse-send sa kanila ng Godly messages. Breakfast, lunch, at dinner. Na-establish dun ang isang magandang relasyon sa amin ni God. :) Yun kasi yung mga panahong lunod na lunod ako sa pagmamahal ni Lord. Hindi ko mapigilan ang sarili kong i-share ito sa iba. Da BEST kasi eh! :) Yun eh nung 1st year hanggang 3rd year ako.
Ibang-iba nung 4th year ako. Naging self-centered kasi ako at na-sentro ang atensyon ko sa mundo. Sa mga materyal na bagay, at sa mga mapanuksong bagay na dulot ng mundo. Nandyan yung attitude na "gusto ko non, gusto ko niyan," "gala dito, gala don," at kung anu-anu pang mga bagay na naglayo sa akin sa Diyos. Oo nga, nagsisimba ako pero wala naman sa Diyos ang loob ko. Ito yung mga panahong halos lahat ng emosyon e naramdaman ko na yata. Natuto akong magmahal pero hindi naman sa tamang paraan. Eh di useless din yung feeling. Masyado akong na-frustrate na makibagay sa iba, gumastos nang wala sa lugar, umarte ng di naman dapat, umiyak sa di naman dapat iyakan, tumawa ng di naman talaga masaya. Makaramdam ng mga bagay na di naman talaga dapat maramdaman tulad ng bitterness, jealousy, brokenness, loneliness, selfishness, at kung anu-anu pang may -ness. Nawalan na ko ng panahon sa sarili ko, puro emosyon na lang ang pinapagana ko. Di naman ako EMO pero parang ganun ang kinalabasan ko.
GRABE, yung mga feelings na yun, naging kalakip na ng mga GM ko. Imbes na maka-inspire ako ng mas marami at mai-share ang kabutihan ni JESUS, kabaligtaran ang nagagawa ko. Minsan nga naisip ko na sa kaka-GM ko, "di kaya naiinis yung mga pinapadalhan ko ng mga GM na yun?" Kasi sa sarili ko alam kong nakaka-irita na yung mga GM ko, maya't-maya tapos wala pang kwenta. Nakaka-bother pa ng iba kahit wala naman silang kinalaman sa mga drama ko. Dumating nga yung puntong inakala ng prayer buddy ko na nakalimutan ko na siya eh. I was so unispired kasi that time to the point that I was not able to send her any quote for months. Maski ako na-miss ko din ang sarili ko na mag-GM ng mga inspiring Godly quotes. Nakaka-miss ang pakiramdam na nakakapag-pagaan ako ng loob ng iba, na-iinspire ko sila, at the same time, nai-she-share ko sa kanila si God.
Uhaw na uhaw. Paulit-ulit ba ko sa salitang yan? Unli ako eh. :p Pero seryosong usapan, UHAW NA UHAW talaga ako! Kay Lord. Ayoko nang malayo pa ulit sa Kanya. Miss na miss ko na Siya! Nami-miss ko nang mag-GM nang mag-GM tungkol sa Kanya. Yung tipong pag nagkita kayo ng sinesendan mo nun, andun yung mga reaksyong; nagpapasalamat sila sayo, dahil nai-inspire sila sa GM mo. Meron namang naiirita kasi feeling nila ang banal-banal ko. Alam mo yun? Yung pakiramdam na kahit mas konti pa yung mag-like sa Godly quotes mo andun parin yung joyful feeling? Hindi yung nila-landslide nga yung likes o reaksyon ng tao sa GM o status mo sa FB or Twitter, pero in the end wala ka pa ding fulfillment sa sarili mo.
Ayoko nang mag-drama at ma-sentro sa mapanlinlang na galaw ng kamunduhang ito. Gusto ko nang kumawala sa rehas at mga kadena ng mga negatibong bagay sa buhay na ito. Ang gusto ko lang ay ang mag-GM nang mag-GM. GM as in God's Messenger. Yun yung isa sa pinaka-magandang paraan para makalaya ako. Ang maging GM sa buhay ng maraming mga tao at hindi maging alipin ng mundo. Ang mapuyat sa kaka-share ng kadakilaan Niya at mag-unli sa kalakasan Niya. Kaya naman dalangin ko na sa susunod na lumitaw sa cell phone ng mga contacts ko ang mga katagang "1Message Received," ay siksik, liglig, at umaapaw na inspirasyon at blessing ang matamo nila. :)
Nawa'y lahat ng ito ay maisakatuparan ko sa Pangalan ni Jesus, AMEN!